Avsnitt
-
Tanong 127. Ano ang ika-anim na pagsamo? At huwag Mo kaming iadya sa tukso kundi iligtas Mo kami sa masama, na ang ibig sabihin ay: Sa ganang aming sarili, kami ay napakahina kung kaya’t hindi kami makapanindigan kahit isang saglit. Higit pa rito, ang aming mga kinikilalang kaaway—ang diyablo, ang kamunduhan, at ang aming sariling kalamnan—ay hindi tumitigil sa pag-atake laban sa amin. Dahil dito, loobin Mo nawang katigan kami’t palakasin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong Banal na Espiritu, nang sa gayon sa espirituwal na pakikibakang ito ay hindi kami malugmok sa pagkatalo, kundi parating matatag naming mapaglabanan ang aming mga kaaway, hanggang sa wakas ay mapasaamin ang ganap na tagumpay.
Tanong 128. Paano mo tinatapos ang iyong panalangin? "Sapagkat sa Iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman," na ang ibig sabihin ay: Ang lahat ng ito ay hinihiling namin sa Iyo dahil Ikaw bilang aming hari na may kapangyarihan sa lahat ng bagay ay nagnanais at kayang-kayang magkaloob sa amin ng lahat ng mabuti. At dahil hindi kami kundi ang Iyong banal na pangalan ang nararapat tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian magpasawalang hanggan. Tanong 129. Ano ang ibig sabihin ng "Amen"? Ang ibig sabihin ng "Amen" ay ito ay totoo at tiyak. Sapagkat mas tiyak na pinakinggan ng Diyos ang aking panalangin kaysa aking nararamdamang pagnanais na makamtan ito mula sa Kanya. -
Tanong 126. Ano ang ikalimang pagsamo? At patawarin Mo kami sa aming mga utang, tulad ng pagpapatawad namin sa mga may utang sa amin, na ang ibig sabihin ay: Alang-alang sa dugo ni Cristo, huwag Mong ibilang sa aming mga hamak na makasalanan ang anumang pagsalansang o kasamaang nananatili pa sa amin, kung papaanong nakikita namin ang patotoong ito ng Iyong biyaya sa aming sarili kung kaya kami ay puspusang nagpapasiya na taos-pusong magpatawad sa aming kapwa.
-
Saknas det avsnitt?
-
Tanong 125. Ano ang ika-apat na pagsamo? Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakainin sa araw-araw. Na ang ibig sabihin ay: Ipagkaloob Mo sa amin ang lahat ng aming pangangailangang pangkatawan nang sa gayon ay kilalanin namin na Ikaw lamang ang tanging pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay, at na ang aming pag-iingat at pagsisikap, at pati na ang Iyong mga kaloob, ay hindi makagagawa ng kabutihan sa amin nang wala ang Iyong pagbabasbas. Kung kaya’t ipagkaloob Mo sa amin na talikuran namin ang pagtitiwala sa lahat ng mga nilikha at ilagak lamang ito sa Iyo.
-
Tanong 124. Ano ang ikatlong pagsamo? Mangyari nawa ang Iyong kalooban, dito sa lupa tulad ng sa langit. Na ang ibig sabihin ay: Ipagkaloob Mo na kami at ang lahat ng mga tao ay tumanggi sa aming sariling kalooban, at walang kahit anong reklamo na sumunod sa Iyong kalooban, sapagkat ito lamang ang mabuti. Ipagkaloob Mo rin na maisakatuparan ng bawat isa ang kani-kaniyang tungkulin at pagkatawag na kasing luwag sa kalooban at kasing tapat ng sa mga anghel sa langit.
-
Tanong 123. Ano ang ikalawang pagsamo? Dumating nawa ang kaharian Mo. Na ang ibig sabihi’y: pagharian Mo kami sa pamamagitan ng Iyong Salita at Espiritu nang kami ay mas lalo pang magpasakop sa Iyo. Ingatan at palaguhin ang Iyong iglesiya. Wasakin ang mga gawa ng diyablo, bawat kapangyarihang nag-aaklas laban sa Iyo, at bawat pakikipagsabwatan laban sa Iyong banal na Salita. Pangyarihin ang lahat ng ito hanggang ang kabuuan ng Iyong kaharian ay dumating na kung saan Ikaw ay magiging lahat sa lahat.
-
Tanong 122. Ano ang unang pagsamo? Sambahin nawa ang ngalan Mo. Iyon ay: ipagkaloob Mo sa amin una sa lahat na makilala ka namin nang tama. At sagraduhin, luwalhatiin, at purihin Ka sa lahat ng Iyong mga gawa, kung saan ay nagliliwanag ang Iyong makapangyarihang lakas, karunungan, kabutihan, katuwiran, kaawaan at katotohanan. Ipagkaloob Mo rin sa amin na maituon namin sa ganito ang aming buong buhay—ang aming pag-iisip, salita at mga gawa—ng ang Iyong pangalan ay hindi malapastangan ng dahil sa amin sa halip ay laging maparangalan at purihin.
-
Tanong 120. Bakit inutusan tayo ni Kristo na tawagin ang Diyos na ating Ama? Upang pukawin sa atin sa simula pa lamang ng ating panalangin ang paggalang at pagtitiwala sa Diyos na tulad ng sa isang bata na siyang nararapat na maging saligan ng ating pananalangin: Ang Diyos ay naging ating Ama sa pamamagitan ni Kristo at lalong hindi Niya ipagkakait sa atin ang hihilingin natin sa Kanya sa pananampalataya na kung paanong hindi rin ipinagkakait sa atin ng ating mga ama sa laman ang mga bagay sa mundong ito.
Tanong 121. Bakit idinagdag ang, na nasa langit? Ang mga katagang ito ay nagtuturo sa atin na hindi natin dapat pag-isipan ang makalangit na karingalan ng Diyos sa makamundong pamaraan, at asahan mula sa Kanyang makapangyarihang lakas ang lahat ng ating kinakailangan para sa katawan at kaluluwa. -
Tanong 116. Bakit kinakailangan ang panalangin para sa mga Kristiyano? Sapagkat ang panalangin ay ang pinakamahalagang bahagi ng pasasalamat na hinihingi ng Diyos sa atin. Higit pa dito, ibibigay ng Diyos ang Kanyang biyaya at ang Banal na Espiritu doon lamang sa mga nagpapatuloy at may taos-pusong pag-asa na humihingi sa Kanya ng mga kaloob na ito at nagpapasalamat sa Kanya para sa mga ito.
Tanong 117. Ano ang kalakip ng panalanging kalugod-lugod sa Diyos at Kanyang pinapakinggan? Una, dapat mula sa puso tayong tumawag sa nag-iisang tunay na Diyos lamang, na Siyang nagpahayag ng Kaniyang sarili sa Kaniyang Salita, para sa lahat ng iniutos Niya sa ating ipanalangin. Pangalawa, kinakailangnang lubus-lubusan nating kilalanin ang ating pangangailangan at kapighatian, nang sa gayon ay magpakumbaba tayo sa harapan ng Diyos. Pangatlo, dapat tayong manangan sa matibay na sandigang ito na, kahit hindi tayo karapat-dapat, ang Diyos ay tiyak na papakinggan ang ating panalangin alang-alang kay Cristo na ating Panginoon, tulad ng Kanyang ipinangako sa atin sa Kanyang Salita.
Tanong 118. Ano ang iniutos ng Diyos sa atin na hilingin sa Kanya? Lahat ng bagay na kailangan ng katawan at kaluluwa, na napapaloob sa panalanging itinuro sa atin mismo ni Cristong ating Panginoon.
Tanong 119. Ano ang panalangin ng Panginoon? Ama naming nasa langit, sambahin ang ngalan Mo. Dumating nawa ang kaharian Mo, mangyari nawa ang Iyong kalooban, dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw; at patawarin Mo kami sa aming mga utang, tulad ng pagpapatawad namin sa mga may utang sa amin; at huwag Mo kaming iadya sa tukso kundi iligtas Mo kami sa masama. Sapagkat sa Iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa. -
Tanong 113. Ano ang hinihingi ng ika-sampung utos sa atin? Na ang kaliit-liitan mang kaisipan o pagnanasa na salungat sa anumang kautusan ng Diyos ay hindi dapat umusbong sa ating puso. Sa halip, dapat lagi nating kamuhian ang lahat ng kasalanan ng buong puso, at malugod tayo sa lahat ng katuwiran.
Tanong 114. Ngunit kaya ba ng mga nagbalik-loob sa Diyos na isakatuparan nang ganap ang mga utos na ito? Hindi. Sa buhay na ito, maging ang pinakabanal ay mayroon lamang bahagyang panimula ng pagsunod na ito. Gayunpaman, may taimtim na layuning sinisimulan nilang mamuhay hindi lamang ayon sa ilan kundi ayon sa lahat ng utos ng Diyos.
Tanong 115. Kung sa buhay na ito ay walang sinumang ganap na makatutupad sa sampung utos, bakit ninanais pa ng Diyos na ipangaral ito nang napakahigpit? Una, upang buong buhay natin ay lubos-lubusan nating mamalayan ang ating makasalanang kalikasan, at dahil dito ay mas may panananabik tayong hanapin ang kapatawaran ng kasalanan at katuwiran kay Cristo. Pangalawa, upang tayo ay mas maging masigasig sa mabubuting gawa at patuloy na manalangin para sa biyaya ng Banal na Espiritu, na tuloy-tuloy Niya tayong baguhin sang-ayon sa wangis ng Diyos hanggang sa katapusan ng buhay na ito ay matamo natin ang nilalayong kaganapan. -
Tanong 112: Ano ang hinihingi ng ikasiyam na utos? Na ako ay hindi dapat magbigay ng maling patotoo laban kaninuman, baluktutin ang salita ng iba, makipagtsismisan o manirang-puri, o magkondena o sumali sa paghatol kaninuman ng madalian at hindi napapakinggan man lang. Sa halip, dapat kong iwasan ang lahat ng pagsisinungaling at paglilinlang na siyang gawain mismo ng diyablo, kapalit ng matinding poot ng Diyos. Sa hukuman o saan pa man, dapat kong ibigin ang katotohanan, salitain at ipahayag ito nang tapat, at gawin ang abot ng aking makakaya upang ipagsanggalang at pag-ibayuhin ang karangalan at reputasyon ng aking kapwa.
-
Tanong 110. Ano ang ipinagbabawal ng Diyos sa ikawalong utos? Ipinagbabawal ng Diyos hindi lamang ang tahasang pagnanakaw at panloloob na pinarurusahan ng pamahalaan, kundi tinuturing ng Diyos na pagnanakaw rin ang lahat ng masamang pakana at pamaraan, na kung saan ay ninanais nating angkinin ang pag-aari ng ating kapwa, sa pamamagitan man ng puwersa o panlilinlang, tulad ng di tamang panimbang, haba, panukat, huwad na paninda o pera, at labis na patubo, o anumang pamaraan na ipinagbabawal ng Diyos; pati na rin ang lahat ng pag-iimbot, at ang maling paggamit at pag-aksaya sa kanyang mga kaloob.
Tanong 111. Ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo sa utos na ito? Dapat kong pag-ibayuhin ang kabutihan ng aking kapwa sa abot ng aking makakaya saan man at kailanman, makitungo ako sa kanya kung paano ko ninanais na pakitunguhan ako ng iba, at magtrabaho nang tapat nang sa gayon ay makatulong ako sa mga nangangailangan. -
Tanong 108. Ano ang itinuturo sa atin ng ikapitong utos? Na ang lahat ng karumihang sekswal ay sinusumpa ng Diyos. Kung kaya nararapat natin itong kamuhian ng buong puso at mamuhay tayo nang malinis at disiplinadong buhay sa loob man ng banal na samahan ng mag-asawa o hindi.
Tanong 109. Ang Diyos ba sa utos na ito ay nagbabawal sa pangangalunya lamang at anumang nakakahiyang kasalanang katulad nito? Dahil tayo, sa katawan at kaluluwa, ay templo ng Banal na Espiritu, kalooban ng Diyos na panatilihin natin ang ating sarili na dalisay at banal. Kaya nga ipinagbabawal Niya ang lahat ng maruruming pagkilos, pagpapahiwatig, pananalita, pag-iisip, pagnanasa, at anumang maaaring magtukso sa atin sa karumihan. -
Tanong 105. Ano ang hinihingi ng Diyos sa ika-anim na utos? Na hindi ko ilalagay sa kahihiyan, kamumuhian, sasaktan, o papatayin ang aking kapwa sa isip, sa salita, o sa pag-amba, at lalo na sa paggawa, sa pamamagitan ko man o ng iba; sa halip, isasantabi ko ang lahat ng pagnanasang maghiganti. Higit pa rito, hindi ko rin sasaktan o ilalagay sa panganib ang aking sarili dahil sa kakulangan ng pag-iingat. Kung kaya ang pamahalaan din ay nasasandatahan upang pigilan ang pagpatay.
Tanong 106. Ang utos bang ito ay tumutukoy lamang sa pagpatay? Sa pagbabawal sa pagpatay itinuturo ng Diyos sa atin na kinamumuhian niya ang ugat ng pagpatay, tulad ng inggit, pagkamuhi, galit, at pagnanasang maghiganti, at itinuturing Niya ang lahat ng ito bilang pagpatay.
Tanong 107. Ngunit ito lang ba ang hinihingi: na hindi lang natin patayin ang ating kapwa? Hindi. Nang kinondena ng Diyos ang inggit, pagkamuhi, at galit, iniuutos rin Niya sa atin na ibigin natin ang ating kapwa tulad ng sa sarili, magpakita ng pagtitiis, kapayapaan, kaamuhan, kaawaan, at pakikipagkaibigan sa ating kapwa, ingatan ang ating kapwa mula sa sakuna sa abot ng ating makakaya, at gawan ng mabuti pati na ang ating mga kaaway. -
Tanong 104. Ano ang hinihingi ng Diyos sa ikalimang utos? Na ipamalas ko ang paggalang, pag-ibig at katapatan sa aking ama at ina at sa lahat ng mga may kapangyarihan sa akin, magpasakop nang may nararapat na pagsunod sa kanilang mabuting tuntunin at pagtutuwid, at pati na rin ang pagtitiyaga sa kanilang kahinaan at kakulangan dahil kalooban ng Diyos na tayo’y pangasiwaan sa pamamagitan ng kanilang kamay.
-
Tanong 103. Ano ang hinihingi ng Diyos sa ikaapat na utos? Una, na ang ministeryo ng ebanghelyo at ng mga paaralan ay mapanatili, at lalong-lalo na sa araw ng pamamahinga na ako’y buong sigasig na dadalo sa iglesya ng Diyos upang pakinggan ang Salita ng Diyos, gamitin ang mga sakramento, lantarang tumawag sa Panginoon at magbigay ng mga Kristiyanong tulong para sa maralita. Pangalawa, na sa lahat ng araw ng aking buhay ako’y mamahinga sa aking masasamang gawain at hayaang kumilos ang Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at nang sa gayon masimulan sa buhay na ito ang walang hanggang sabbath.
-
“Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 5 Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan." (Exod. 20:4-6 MBB)
Tanong 96. Ano ang hinihingi ng Diyos sa ikalawang utos?
Tanong 97. Hindi nga ba tayo maaaring gumawa ng anumang imahen kahit kailan?
Tanong 98. Ngunit hindi ba maaaring gamitin ang mga imahen sa mga iglesia bilang tulong sa pag-aaral ng mga pangkaraniwang tao? -
Tanong 94. Ano ang hinihingi ng Panginoon sa unang utos? Na alang-alang sa aking sariling kaligtasan ay iwasan ko at layuan ang lahat ng pagsamba sa Diyos-Diyosan, pangkukulam, pamahiin at pananalangin sa mga santo o sa iba pang uri ng mga nilalang. Higit pa rito, na ako’y humantong sa tamang pagkilala sa nag-iisang tunay na Diyos, magtiwala sa Kanya lamang, magpasakop sa Kanya nang may taos-pusong pagpapakumbaba at pagtitiis, umasa sa Kanya lamang ng lahat ng mabuting bagay at ibigin, katakutan, at parangalan Siya nang buong puso ko. Sa madaling salita, na talikuran ko ang lahat ng nilalang kaysa gawin ang kaliit-liitang bagay na labag sa Kanyang kalooban.
Tanong 95. Ano ang pagsamba sa mga diyos-diyosan? Ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ay ang pagkakaroon o paggawa ng anumang bagay na kung saan ay inilalagak natin ang ating pagtitiwala sa halip na, o bilang karagdagan, sa nag-iisang tunay na Diyos na nagpakilala ng Kanyang sarili sa Kanyang salita. -
Tanong 92. Ano ang Kautusan ng Diyos?
Tanong 93. Paano nga ba nahahati ang mga kautusang ito? - Visa fler