Avsnitt

  • Minsan akong tinanong “kumusta ang puso mo?”
    Hindi ko naulinigan ang mga talata
    pero napatigil ako ng hindi ko sinasadya

    “Kumusta ang puso mo?” ang ulit niya
    huminga ako ng malalim
    at hinahanap ang tamang salita
    kombinasyon ng mga letra
    habang nakatitig sa araw na siyang paidlip na

    “Ito patuloy na tumatanda” ang tugon ko
    Napatingin siya sa akin
    Kung kayat nagsimula akong ikwento ka, ang dating tayo, ang kwento nating dalawa, at kung gano katagal na kitang patuloy na minamahal…
    “Ito patuloy na tumatanda”

  • Patawad
    Patawad kung ang hilig kong tingnan ang mga bagay ng higit sa kung ano sila

    Katulad na lamang ng isang tilas na ang tingin ko ay paru parong dumapo sa sanga
    o isang rosas na sa paningin ko ay natagpuan ko sa malawak na hardin
    o ang mga salita na hindi lamang sila titik sa aking pandinig, kundi mga himno na yumayapos sa akin tuwing gabi

    Kaya patawarin mo ako
    dahil sa tuwing titingnan kita ay hindi ko nakikita ang ikaw
    nakikita ko ang pagibig
    ang tayo
    ang bukas

    Patawad

  • Saknas det avsnitt?

    Klicka här för att uppdatera flödet manuellt.

  • First year high school at birthday ko noon.
    Ang tanging hiling ko lang ay kape ng starbucks na isang jeep ang layo
    Hindi damit, sapatos, o bidyo game ng PS1
    Dahil ang gusto ko lang ay Starbucks na may whipped cream on top at kape in one.
    Matagal ko na siyang pinag nanasahan
    Mula sa lamesa ng Principal's office na lagi kong pinupuntahan
    Hanggang sa kamay ng kaklase ko na binilhan ng mommy niyang mayaman.
    At sa wakas, pagkatapos ng isang jeep at pagbabayad ng syete pesos
    Ay nasa tapat na ako ng kahera, handang magbayad ng 110 pesos.
    "What's your order ma'am?" sabi ng babaeng with the green apron
    Nautal ako for a moment
    Thinking what should I get for my palette.
    And in one look, nakita ko na ang isang salitang pamilyar
    Mula sa menu na kanina ko pa tinititigan
    "Banana!" ang sabi ko
    Sabay turo sa menu para sigurado
    "What size? Tall, Grande or Venti"
    I was taken a back and got lost
    After hearing the last two words
    Ang sabi ko nalang "uhm yung small" para safe
    And she said "that's tall"
    Nagbayad ako at tumabi, nag aabang na tawagin ang pangalan ko
    And finally it came.
    Mabilis akong naglakad patungo sa counter
    At dinampot ang unang drink na mistula bang all-around ay kulay green
    Tinusukan ko ng straw at sabay ang isang mahabang higop
    Napatigil ako.
    Pilit kong hinihanap at nilalasahan ang hinihintay kong saging
    Pilit kong iniimagine ang banana bits
    Kung kaya't hinalo ko at humigop muli
    Ngunit tanging dahon, oo dahon ang nalalasahan ko sa bawat lunok at lagok.
    Lasang dahong ang inumin.
    At muli kong narinig ang pangalan ko
    "One tall banana mocha for Yel"
    At tumigil ang mundo for the 2nd time around
    Pati si kuya na dumadampot ng tissue from the ground
    Nagkatitigan kami
    At sa mga titig na yun, nagkaintindihan kami
    Muli akong lumunok
    Napagtanto ko na,
    Hindi lang ako ang Yel sa mundo.
    At hindi lang kape ang nao-order dito.
    First year high school. Birthday ko.
    At inuming Matcha mula sa Starbucks ang naging regalo ko.

  • Grade 3. 9 years old. Section Masipag
    Hindi akma sayo yung section natin.
    Hindi ka masipag, hindi ka matalino, pero bibo ka.
    Ikaw yung bida bida sa klase, maingay, at mahilig magpapansin
    Ngunit may isang bagay akong napansin, hindi ito ang lakas ng boses mo o ang pagdaan daan mo sa aisle ng row ko. Ito ay ang laging mong pagtingin sa akin.
    Mula sa pagpasok ko sa room, pag baba ng bag, at pag upo sa upuan. Nakatingin ka. At alam ko yun, dahil nakatingin din ako.
    Dumating ang araw na nagsimula na ang asaran, kantsyawan, at pag FLAMES ng ating pangalan.
    Pati sa larong MASH, lagi mong sinasama ang pangalan ko sa category ng "Marry" na never naging ako ang ending.
    Hanggang sa isang hapon, paguwi ko ng bahay...
    "Telepono, hinahanap ka"
    napaisip ako kung sino ang tumawag, kaklase ko na magtatanong kung pwede kumopya o kaklase ko na magtatanong ano bang homework ang kelangan sagutan.
    Kinuha ko ang telepono at sabay sabing
    "Hello? sino to?"
    Hindi mo pa nababanggit ang pangalan mo, pero sa unang salita mo palang, alam ko ikaw na 'to.
    Dinala ko ang telepono sa kwarto ng mama ko habang pinipilit isipin kung saang lupalop mo nalaman ang numero ng bahay ko.
    Sa likod ba ng ID? o sa likod ng mga libro kong nagsasabi na "In case of lost, pls bring back to this address or call this number"
    Tumakbo ang segundo minuto at oras. patuloy lang tayong nagkwekwentuhan na nagsimula sa eskwelahan, sa titser nating masungit, sa homework, sa laban ni sakuragi at rukawa, hanggang sa pag kagusto mo sa akin.
    at ito na.
    ramdam ko na, hindi mo na kayang itago. ramdam ko na na gusto mo ng sabihin ang matagal mo ng tinatago, na halatang halata ko.
    "Gusto kita, I love you"
    tumigil sandali ang oras at mabilis na tumibok ang puso ko.
    Ito ang unang beses na narinig ko ang tatlong salitang yun, hindi mula sa nanay ko, sa tatay ko, o kay Barney na lagi akong kinakantahan ng "I love you, you love me"
    ito ang unang beses na narinig ko siya mula sa ibang tao.
    Grade 3. 9 years old. Section Masipag.
    Binaba ko kaagad ang telepono. hindi alam ang sasabhin. nag iisip pero nakangiti.
    lumipas ang ilang segundo, tumawag ka ulit.
    Hinihintay mo ang sagot sa mga salitang binitawan mo. at hinihingi ang aking "oo"
    Grade 3. 9 years old. Section Masipag.
    At sinagot kita "oo, I love you" sabay baba ng phone
    mabilis ang pintig ng puso.
    Grade 3 9 years old, sa linya ng bayantel, una kong sinabi ang I love you.

  • Siguro ganito ang pakiramdam ng mga nakarating sa buwan
    Yung pakiramdam na nakikita mong unti unting lumalayo ang dating mundong iyong ginagalawan
    Na ang dating abot kamay, ngayo’y tanaw na lamang
    Na habang papalapit ka sa langit, na siyang mamayang sasaklawin ng kalawakan ay ang siyang paglayo mo sa mga nakasanayan

    Sa nakasanayan mong mahigpit na yakap mula sa kanya tuwing umaga
    Sa sabay niyong paguwi pagkatapos ng trabaho
    At sa pagtanong niya ng “kamusta ka?” tuwing uuwi ka sa kanya, galing sa lakad mo

    nandun siya.
    nandun siya sa pagmulat mo ng mata
    sa pag gising sa umaga
    sa kwentuhan tuwing almusal
    na may kasamang kape, kanin at longganisa
    nandun siya sa merienda
    kasabay ng pancit canton, netflix at iba pang pelikula
    hanggang sa paghilata sa kama
    nandun siya

    at marahil hanggang dun nalang din siya
    hanggang dun nalang siya sa mga alaala
    na patuloy mong bibitbitin kahit saan kaman magpunta
    isusuot mo itong parang kwintas, isang medalya na hindi gawa sa ginto o pilak kundi gawa sa mga salitang hindi mo kailanman nabigkas...
    mga salitang “naniniwala ako sa tayo”
    dahil ito ang mga salitang umasa na baka isang araw may pag asang maniwala rin siya
    maniwala sa “kayo” sa “tayo” sa “atin”
    pero hindi mo kayang bigkasin ang mga talata
    dahil sa pangamba na makita ang mga takot sa kanyang mga mata na maghuhudyat na “hindi ko kaya”
    kung kayat pinili mo nalang manahimik at itikom ang bibig
    dahil naniniwala ka na wala sa mabulaklak na salita ang pagmamahal kundi ito’y nasa gawa
    pinatuloy mo na lang na ipadama sa kanya ang pagmamahal na nararapat
    yung totoo, tunay, at tapat.

    At ito ang mga alaala na patuloy mong binibitbit at sinusot sa iyong dibdib
    na kahit ano mang bigat na tila ba bagahe
    ay pilit mo siyang dadalhin, maisakay mo lamang sa susunod mong lakbayin.
    Ngunit bakit?

    Kung mabigat siyang dalahin, bakit ka parin nakakapit?

    Dahil paano mo maiiwanan ang bagahe na naglalaman ng katunayan na kaya mong magmahal ng wagas at higit.
    na minsan sa pag-ibig naging sigurado ka
    at patuloy mong nilaban ang digmaan kahit alam mong matatalo ka
    Pero sabi nga nila, walang talo sa taong tunay na nagmamahal

    Kaya sabihin mo sa akin paano? paano mo bibitawan ang mga imahe na nagpapakita kung gaano kaganda ang pagmamahal?
    na kahit hindi man ito nauwi sa simbahan, ay sa kanya natagpuan mo ang iyong tahanan?

    At ito na nga, katulad ng mga taong nakarating sa buwan
    ay napagmasdan mong lamunin ng kalawakan ang kalangitan
    at unti unti mo ng naramdaman ang paglutang sa kawalan
    kasabay ang pagpatak ng mga luha na unan mo lamang ang nakakakita at nakakadama
    dahil ngayon, ang layo na ng mundo
    hindi, dahil ngayon, kay layo na ng kanyang mundo

    at tanging itong bagahe lamang ang dala mo
    na mistulang pinto papunta sa dating mundo niyo
    kaya’t patuloy mo tong bibisitahin
    at mula sa malayo siya’y tatanawin
    dahil kahit wala ka man sa kanyang tabi
    ay dito mula sa buwan
    ikay mananatili